KUMPIYANSA ang Malakanyang na matutunton din ng Inter-Agency Anti-Graft Commission sa pamamagitan ng normal financial audit ng Commission on Audit (CoA) ang maling paggamit noon ng pork barrel ng mga mambabatas na may sariling NGO at foundation.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Herminio “Sonny” Coloma, Jr., na hindi makakalusot sa Inter-Agency Anti-Graft Commission at CoA ang ganitong mga katiwalian.
“Kapag ‘yan ay sumama na doon sa daloy ng pondo ng national government agency, siguradong masasakop na ‘yan ng audit ng Commission on Audit,” anito.
Ang Inter-Agency Anti-Graft Commission ay binubuo ng Department of Justice, Commission on Audit at Office of the Ombudsman.
“Lahat ng mga umano’y katiwalian hinggil sa paggamit ng pondo ng bayan ay dapat siyasatin, alamin at mabigyan ng tamang proseso para matunton kung merong mga lumabag sa batas. Ipinaliwanag ni Secretary Edwin Lacierda na ang focus ng NBI ay doon sa Napoles-related NGOs at mga alleged pork barrel irregularities,” aniya pa rin.
Pinalagan naman ng Malakanyang ang naging pahayag ni Vice-President Jejomar Binay na trial by publicity lang ang PDAF scandal kung saan ay sangkot ang kanyang mga kaibigan na sina Senador Juan Ponce-Enrile at Jinggoy Estrada.
Ani Sec. Coloma, malabong mangyaring trial by publicity ang PDAF scandal dahil simula pa nang magsimula ang imbestigasyon sa usaping ito ay sinabi na ni Pangulong Benigno Aquino III na kailangang maging evidence-based ang lahat.
The post Mambabatas na may sariling NGO at foundation, tututukan din ng Inter-Agency Anti-Graft Commission appeared first on Remate.