MAGHAHAIN ng mosyon ang kampo ng tinaguriang “pork barrel queen” na si Janet Lim-Napoles sa Makati Regional Trial Court (RTC) upang hilingin na siya’y isailalim sa hospital arrest makaraang madiskubre ang pagkakaroon niya ng ovarian tumor.
Batay sa apat na pahinang urgent motion for medical examination na inihain ng kampo ni Napoles sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Atty. Fay Isaguirre Singson sa Makati RTC Branch 150, nakasaad na may ovarian tumor si Napoles kung kaya nakakaranas ito ngayon ng pagdurugo, hypoglycemia, pagbagsak ng timbang at pananakit ng dibdib at tiyan.
Hiniling ng kanilang kampo na payagang makapagpa-check-up si Napoles sa de-kalibreng ospital tulad ng St. Luke’s upang masiguro ang agarang pagpapagaling nito.
Nakasaad din sa mosyon na depende sa magiging resulta ng eksaminasyon at sa payo na rin ng doktor kung kinakailangang payagan si Napoles na isailalim sa hospital arrest sa St. Luke’s Hospital sa Gobal City.
Ala-1:30 ng hapon kanina ay nakatakda na sana ang pagdinig sa mosyon ng kampo ni Napoles kay Judge Elmo Alameda ngunit hindi ito natuloy dahil nais pa rin ng korte na paharapin ang doktor ni Napoles na magpapatotoo sa sinasabing sakit na kasalukuyang dinaranas ni Napoles kaya’t sa Pebrero 24 muling itinakda ang pagdinig sa mosyon.
Kaugnay nito, sa pagsisimula ng pagdinig ng korte kaugnay sa kasong serious illegal detention laban kay Napoles, walang bagong testigong naiharap ang panig ng prosekusyon maliban sa kanilang mga dating naiprisentang witnesses noong dinggin ang bail petition ni Napoles.
Ipinaabot naman ng prosekusyon sa korte na may isa silang bagong testigong ihaharap sa mga susunod na pagdinig na opisyal ng Metrobank na pansamantalang hindi muna binanggit ang pagkakakilanlan.
Kabilang sa mga naiprisinta ng prosekusyon bilang kanilang testigo ay sina National Bureau of Investigation senior agent Dante Berou, Merlina Suñas, Gertrudes Luy at Annabel Luy na pawang in-adopt na lamang ang kanilang mga testimonyang binigay noong isinagawa ang pagdinig sa bail petition.
Sa panig ng depensa sa pamamagitan ni Atty. Alfredo Villamor, sinabi nitong inaasahang aabot sa labingpitong witnesses ang kanilang ihaharap.
Sa Marso 18, ipagpapatuloy ang pagdinig sa kasong serious illegal detention na isinampa ni Benhur Luy laban kay Napoles.
The post Janet Lim-Napoles may ovarian tumor appeared first on Remate.