IDINEKLARANG labag sa batas ng Korte Suprema ang ilang bahagi ng kontrobersyal na Republic Act 101-75 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Sa ipinalabas na summary ng Supreme Court Public Information Office, kabilang sa mga idineklarang unconstitutional o labag sa Saligang Batas ang Section 4-c-3 na nagpapataw ng parusa sa mga unsolicited commercial communications, section 12 na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga awtoridad na kumulekta o mag-record ng traffic data in real-time, at section 19 na nagbibigay ng kapangyarihan sa DOJ na maghigpit o mag-block ng access sa computer data na natuklasang lumalabag sa probisyon ng Cybercrime Law.
Tungkol naman sa Section 4-c-4 na nagpaparusa sa online libel, idineklarang legal ang bahagi ng probisyon na nagpapataw ng parusa sa orihinal na may-akda ng isang libelous post, ngunit unconstitutional ang bahagi ng probisyon na nagpaparusa sa mga nakatanggap ng libelous post o nagbigay ng reaksyon dito.
Constitutional naman ang bahagi ng Section 5 na nagpaparusa sa mga tumutulong at nagtatangka na makagawa ng paglabag sa Cybercrime Law, partikular na iyong may kinalaman sa illegal access, illegal interception, data interference, system interference, misuse of devices, cyber squatting, computer-related fraud, computer-related identity theft at cybersex, pero labag sa batas naman ang bahagi ng probisyon na may kinalaman sa child pornography, unsolicited commercial communications at online libel.
Ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa Cybercrime Law ay isinulat ni Associate Justice Roberto Abad.
The post Ilang bahagi ng Cybercrime Law idineklarang labag sa batas appeared first on Remate.