TULOY ang unang pagdinig bukas, Biyernes sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng kasong kinasasangkutan ng actor-TV host na si Vhong Navarro at modelong si Deniece Cornejo.
Ito ay makaraang hindi pagbigyan ng panel of prosecutors na may hawak ng kaso ang hirit ni Cornejo na ipagpaliban ang unang araw ng pagdinig na itinakda bukas, Valentines Day, February 14.
Matatandaang hiniling ng kampo ni Cornejo sa DOJ na ipagpaliban ang pagdinig dahil sasabay ito sa pagdinig ng inihain nilang petition for temporary protection order sa Taguig Regional Trial Court na itinakda rin bukas.
Ayon kay Prosecutor General Claro Arellano, hindi pinagbigyan ng panel ang hiling ni Cornejo dahil mas nauna namang itinakda ng DOJ ang petsa ng pagdinig bago pa naisampa nina Cornejo ang petisyon sa hukuman sa Taguig.
Nauna nang iniutos ng DOJ na pagsamahin na ang pagdinig sa patung-patong na kasong inihain ni Navarro laban kay Cornejo, Cedric Lee at anim na iba pa, gayundin ang kasong panggagahasa na inihain naman ni Cornejo laban kay Navarro.
Nag-ugat ang kaso sa pambubugbog ng grupo ni Lee kay Navarro noong January 22, 2013 na ayon naman sa kampo ni Cornejo ay nangyari para siya ay ipagtanggol sa tangkang panggagahasa sa kanya ng actor-TV host.
The post Hearing nina Vhong at Denice tuloy bukas appeared first on Remate.