BINUWELTAHAN ni Manila Vice Mayor at Traffic Czar Isko Moreno si Quezon City Mayor Herbert Bautista nang ihayag ng huli na ang pagpapasa ng daytime truck ban ng Sangguniang Panlungsod ay hindi dapat maging “parochial” o kakitiran ng pag-iisip.
Sinabi ni Moreno na nirerespeto niya ang sentimyento ni Mayor Bautista subalit dapat ding malaman ng alkalde na ang kapakanan ng milyong Manilenyo na matagal ng nagdurusa sa masikip na trapiko dulot ng pagbiyahe ng malalaking truck ang kanilang tinitingnan.
“Kung gusto nila, ilipat natin ang Pier sa Quezon City para maranasan nila,” pahayag ni Moreno.
Inihayag ng bise alkalde na tulad ng pagbabawal sa provincial bus, halatang pinapaboran naman ngayon ni Mayor Bautista ang mga truck at bus operators. “Kami ni Mayor Erap, kapakanan ng mga motorista at Manileno ang iniisip namin kasi sila ang naghalal sa amin,” dagdag pa ni Moreno.
“Dapat siguro, tigilan na ng butihing alkalde ang paga-abogado sa mga truck at bus operators at sa halip, mag-abogado siya sa mga taong nagluklok sa kanya bilang ama ng lungsod dahil utang natin sa kanilang ang ating posisyon,” ani Moreno.
Sinabi pa ni Moreno na pinag-aralang mabuti ng konseho ang naturang ordinansa bago ito naging ganap na ordinansa.
Dapat aniya na tutukan na lamang ni Mayor Bautista ang mga problema sa kanyang lungsod at iwasan ang makisawsaw sa mga panuntunan at programa ng lungsod ng Maynila tulad na lamang ng hindi panghihimasok ng Maynila sa naging desisyon ng kanilang konseho na magpasa ng batas na sisingil ng bayad sa mga residente sa pagtatapon ng basura.
Pinarunggitan pa ni Moreno si Mayor Bautista nang sabihin na kung hindi kayang lutasin ng alkalde ang traffic sa Quezon city, ipaubaya ito sa kanila at sila ang susubok na resolbahin ito.
The post Vice Mayor Isko Moreno binuweltahan si Bistek appeared first on Remate.