LANTARANG paglabag sa batas ang agarang pagbabago ng academic calendar sa ilang unibersidad sa bansa gaya ng University of the Philippines at Ateneo de Manila University.
Ito ang ipinahayag ni Kabataan Partylist Rep. Terry Ridon at aniya’y itinatakda sa Administrative Code of the Philippines na ang petsa ng pagbubukas ng klase ay itatakda ng kalihim ng Department of Education pero hindi maaaring mas maaga ito sa unang araw ng Hunyo.
Ngunit hindi rin ito dapat na lumagpas sa huling araw ng Hulyo maliban na lamang kung may hindi inaasahang pangyayari.
Napakalinaw aniya na tanging ang kalihim ng DepEd o Chairperson ng Commission on Higher Education ang may kapangyarihan na magbago ng academic calendar at hindi ang mga opisyal ng unibersidad.
Kinakailangan aniyang dumaan sa lehislasyon ang anumang pagbabago sa administrative code.
Giit pa ni Ridon na hangga’t walang kaukulang batas ay masasabing iligal ang hakbang ng UP at Ateneo na baguhin ang kanilang academic calendar para mag-umpisa ito sa buwan ng Agosto.
Sa kasalukuyan, may tatlong panukala sa Kamara para sa pagbabago ng buwan ng pasukan sa bansa na magkakahiwalay na inihain nina Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla, Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at Iloilo Rep. Oscar Garin Jr.
The post Pagbabago ng class opening ng UP, Ateneo labag sa batas appeared first on Remate.