ISINULONG na sa Kamara ang pagkakaroon ng tatlong driver para sa mga bus na bumibiyahe sa malalayong lalawigan.
Inihain ito ni Ifugao Tep. Teddy Brawner Baguilat matapos ang malagim na aksidente sa pagkahulog ng Florida bus sa bangin at pagkamatay ng 15 katao.
Kabilang sa mga nasawi ay ang komedyanteng si Tado o Arwin Jimenez sa tunay na buhay.
Nakatakda ring maghain si Baguilat ng isang resolusyon na nagsusulong na masiyasat ang umiiral na panuntunan at regulasyon ng mga provincial buses kasunod ng malagim na aksidente.
Ayon sa panukala ni Baguilat magkakaroon ng tatlong bus drivers sa mahahabang biyahe o sa mga bumibiyahe ng halos walong oras samantalang dalawa naman para sa mga provincial trip at maalis ang kompensasyon na boundary system.
Giit pa ng kongresista na ang bus drivers ay alam ang kondisyon ng daan patungong Cordillera na mahaba at makitid na bulubunduking kalsada ng Mountain Province at mga sharp curves hindi tulad sa ibang mababang kalsada.
Iginiit din nito na malagyan ng mga ilaw, directional signs at harang sa gilid ang mga kalsada sa Mt. Province upang maiwasan na ang mga aksidente gayundin ang paglalagay ng speed metering sa mga bus.
Sinabi ni Baguilat na kung hindi maaalis ang reputasyon na mapanganib ang mga daan patungo sa Cordillera ay tiyak na babagsak ang kanilang turismo at imposible na aniyang makamit ang target na bilang ng turista na nagpupunta dito upang makita ang sikat na Ifugao Rice Terraces.
The post 3 driver sa mga biyaheng bus pa-probinsya isinulong appeared first on Remate.