IPINAHIHIMAY na ni Kabataan Partylist Rep. Terry Ridon sa House Committee on Transportation ang kontrobersiyal na kontratang iginawad ng DOTC para sa automatic fare collection system project ng LRT at MRT.
Nilalayon ng AFCS project na pag-isahin na lamang ang ticketing system ng LRT Line 1, LRT Line 2 at MRT Line 3.
Nagpalabas na ang DOTC ng notice of award ng proyekto sa AF Consortium na binubuo ng Ayala Corporation at Metro Pacific Investments Corporation na tumalo naman sa bidding sa SM Group.
Nakapaloob sa inihaing House Resolution 781 ni Ridon na hindi patas para sa gobyerno ang bid ng AF Consortium na nag-alok P1.088 bilyon para makuha ang kontrata ng proyekto.
Banggit pa ni Ridon na P279 milyon lamang ang inisyal na ibabayad ng AF Consortium para sa premium habang ang nalalabing P800 milyon ay babayaran lamang kapag umabot na ang bilang ng LRT at MRT sa P750 milyon bawat quarter.
Ngunit sa mismong pagtaya ng DOTC ay maaabot lamang ganitong dami ng pasahero ng LRT at MRT sa loob ng siyam hanggang 10 taon matapos ang implementasyon ng kontrata o sa taong 2024 o 2025.
The post Kontratang pinasok ng DOTC para sa LRT at MRT bubusisiin appeared first on Remate.