“MASYADO nang nakaririmarim ang paggamit ng media upang ipagtanggol ang kalibugan ng komedyanteng si Vhong Navarro.”
Ito ang naging tampok sa mahabang talakayan sa social networking site na Facebook bunsod ng ipinost ng isang Ernie Reyes sa wall ng National Press Club.
Sa naturang artikulo, nakasaad na inuubos ng mga network, espasyo sa diyaryo at air time sa radio ang oras para sa kaso ni Vhong na dapat mailaan sa mas makabuluhang balita na makapagpapalaya sa mamamayan mula sa kanilang kamangmangan sa isyu.
Ginagatungan pa umano ni Vhong ang isyu na dapat siya lang ang managot at lumutas.
“Hindi magbibigay ng positibong pananaw ang pagtatanggol mo sa iyong sarili sa kabataan na ginawa kang idolo. Bagkus, inilulubog mo pa sila sa burak ng kalaswaan at kawalan ng respeto sa sarili at ibang tao. Alam kong may karapatan kang ipagtanggol ang sarili mo, pero bakit ginagamit mo ang media upang ibandera sa publiko ang ginawa mong kalokohan?” ayon kay Reyes.
Aniya, may korte na titimbang kung makatarungan nga at moral ang ginawa ni Vhong at korte rin ang magdidikta sa proseso upang mailantad ang katotohanan at hindi dapat gamitin ang buong puwersa ng media upang ipangalandakan na siya ang naapi.
Bukod dito, nagkakaroon din ng institusiyunalisasyon ang isyu sa kaisipan ng mamamayan na kapag celebrity, dapat bigyan kaagad ng katarungan tulad nang kumalat ang adbokasiyang “Justice For Vhong Navarro.”
Mas marami pa aniyang mamamayan ang hindi nabibigyan ng katarungan kaya’t dapat itigil na ang pagkakalat ng mga pangyayari na tanging sila-sila lang ang nakaaalam at sa korte na lang sila dapat mag-usap.
Umani naman ng iba’t ibang reaksyon ang naturang post na karamiha’y pumabor kay Reyes lalo na’t maraming mas mahahalagang isyu ang dapat na pagtuunan ng pansin ng pamahalaan, tulad ng mga namatay sa bakbakan sa Mindanao.
The post Media nagamit sa kamanyakan ni Vhong appeared first on Remate.