PATAY ang 63-anyos na lider ng lokal na transport group nang malapitang barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang salarin habang naglalakad sa jeepney terminal sa Makati City.
Dead on arrival sa Ospital ng Makati ang biktima na si Bemindo Jose, presidente ng Highway 54 Pateros Drivers Association (HIPADA) at residente ng 174 Dalandan St., Brgy Comembo, ng naturang lungsod, sanhi ng tama ng bala sa kanyang ulo.
Sa imbestigasyon, alas-9 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa biktima sa Pateros Old Terminal ng P. Victor St., Brgy. Guadalupe Nuevo.
Ayon sa saksi na si Rene Robosa, Chairman of the Board ng HIPADA, hinihintay nito ang biktima upang iangkas sa kanyang motorsiklo nang mamataan ang hindi nakilalang salarin na armado ng hindi pa nabatid na kalibre ng baril at walang sabi sabing binaril si Jose nang malapitan sa ulo.
Agad na tumakas ang suspek habang isinugod nila sa pagamutan ang biktima ngunit hindi na umabot ng buhay.
Inaalam ng pulisya ang motibo sa pamamaslang sa biktima ngunit malaki ang hinala ng mga awtoridad na may kinalaman ang pagiging presidente nito sa nabatid na organisasyon na kanyang pinamumunuan.
The post Lider ng transport group itinumba sa Makati appeared first on Remate.