PINAKIKILOS na ng Korte Suprema ang Department of Justice para magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa isa sa dalawang dumukot sa aktibistang si Jonas Burgos.
Ipinalabas ang kautusan matapos aprubahan ng mga mahistrado ng Kataas-Taasang Hukuman ang kahilingan ng Commission on Human Rights na magkaroon ng access sa Erap Five document upang maikumpara sa cartographic sketch ng isa sa 2 dumukot kay Jonas Burgos.
Magugunita na nakatanggap ang CHR ng sworn statement ng isang Virgilio Eustaquio na nagsasabing ang isa sa dalawang lalaki na nasa cartographic sketch ay kabilang sa mga dumukot sa kanya.
Naniniwala ang Korte Suprema na baka ito na ang missing link upang matukoy ang isa sa mga abductor ni Jonas Burgos.
Inatasan din ng Supreme Court ang CHR na magsumite ng supplemental investigation report sa DOJ at bigyan ng kopya ang NBI, at PNP-CIDG para sa pagsasagawa ng kaukulang imbestigasyon.
Matatandaang nakakita ng probable cause ang DOJ na kinatigan naman ng Court of Appeals para kasuhan si Major Harry Baliaga, JR kaugnay sa pagkawala ni Jonas Burgos.
The post Dumukot kay Jonas Burgos pinatatrabaho na sa DoJ appeared first on Remate.