TATLONG mahistrado ng Court of Appeals na kinasuhan ng administratibo kaugnay sa reklamo ng residente ng Wack Wack Subdivision sa Mandaluyong City ang pinawalang sala ng Korte Suprema.
Batay sa desisyon na sinulat ni Associate Justice Estela Perlas-Bernabe, kabilang sa mga inabsuwelto sa kaso ay sina CA Justices Danto Bueser, Sesinando Villon at Ricardo Rosario dahil sa kawalan ng merito.
Habang ang mga complainant na AMA Land, Inc. o AMALI ay pinaalalahanan naman ng SC na mag-ingat sa pagsasampa ng kaso lalo na kung walang matibay na ebidensiya.
Bukod dito, binalaan din sila ng SC na papatawan sila ng mas mabigat na parusa kapag inulit ang kanilang ginawa.
Ang kaso laban sa tatlong mahistrado ay nag-ugat noong Hunyo 14, 2012 hinggil sa reklamo ng Wack Wack Residents Association, Inc. (WWRAI) kunsaan ay natalo ang AMALI.
Umakyat sa SC ang AMALI at inireklamo. Nang hindi umano makakuha ng paborableng ruling ang AMALI ay kinasuhan nito ng administratibo ang mga mahistrado sa SC.
“Disciplinary proceedings against judges do not complement, supplement or substitute judicial remedies and, thus, cannot be pursued simultaneously with the judicial remedies accorded to parties aggrieved by their erroneous orders or judgments,” ayon sa SC decision.
Ayon sa SC nakapaghain na naman ang AMALI ng petition for review on certiorari na kumukuwestiyon sa order ng mga mahistrado na nakabimbin sa SC.