DAHIL sa nadispalko umanong pondo ng kooperatiba, isang chairman ng tatlong transport cooperative ang nagbaril sa sarili sa General Santos City nitong Sabado ng gabi (Pebrero 2) .
Nagtamo ng isang tama ng bala ng kalibre .45 sa dibdib at namatay noon din ang biktimang si Ernesto Tabasa, 52-anyos, tumatayong chairman ng Seguil Bula Transport service cooperative Incorporated. Ito rin ang presidente ng (CONTRACA) Confederation of Transport Cooperative and Association sa GenSan.
Sinabi ni Senior Insp. Lauro Espida, hepe ng pulisya ng General Santos City PNP, naganap ang insidente dakong alas 10 nitong Sabado ng gabi sa mismong bahay nito sa Bliss Calumpang Subdivision, Barangay Calumpang, General Santos City.
Bago ito, napansin ng kanyang pamilya ang pagkabalisa ng biktima kahapon ng hapon pero sa pag-aakalang marami lamang itong iniisip sa kanyang trabaho ay binalewala ang ikinilos nito.
Pero nang mag-gabi na ay biglang inilabas ng biktima ang kanyang kalibre .45 at ipinutok sa kanyang dibdib.