NAGSAMPA na ng kasong panggagahasa na may kaugnayan sa umiiral na batas sa ilalim ng R.A. 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children si Deniece Cornejo laban sa aktor at TV host na si Vhong Navarro sa Taguig City Prosecutors Office.
Pasado alas-4 ng hapon kanina nang dumating si Cornejo sa tanggapan ni Taguig City prosecutor Laarni Fabella, kasama ang kanyang mga abogadong sina Atty. Howard Calleja at Atty. Coney Jimenez upang sumpaan ang kanyang inihaing salaysay.
Ayon kay Atty. Calleja, isa sa ginamit nilang ebidensiya sa paghahain ng usapin ang lumabas sa footages na kuha ng CCTV kung saan malinaw na nagsinungaling si Vhong Navarro nang ihayag na na-set up siya ng grupo ng negosyanteng si Cedric Lee gayung malinaw sa footages na naunang dumating sa Forbeswood Heights Condominium ang aktor bago ang pagdating ni Lee.
Gayunman, nilinaw ni Calleja na hindi maaaring pagbatayan ang lahat ng mga lumabas sa footages ng CCTV dahil bukod sa wala silang kopya nito, hindi rin nila batid kung na-tampered na ang nilalaman nito.
“The whole story is what have been related by our client, hindi ang mga usap-usapan lang na lalong nagpapalabo sa totoong pangyayari,” Calleja said.
Idinugtong pa ng abogado ni Cornejo na hindi nila dadalhin ang laban sa mata o opinyon ng publiko kundi sa korte dahil dito aniya malalaman kung sino ang nagsasabi ng totoo at sino ang nagsisinungaling.
Nagpasya si Cornejo na maghain na ng demanda matapos dumanas ng trauma, at pagkabalisa matapos ang dinanas sa kamay ni Navarro.
Pinatutsadahan din ni Atty. Calleja ang mga bumabatikos sa ginawa nilang paghawak sa kaso nina Lee at Cornejo gayung ang mga abogado aniya na humahawak ngayon kay Vhong Navarro ay dating mga abogado ng kanilang kliyente kaugnay sa kasong inihain ni David Bunevacz may ilang taon na ang nakalilipas.
The post UPDATE: Vhong kinasuhan na ng rape appeared first on Remate.