ISUSULONG pa rin ni Isabela Rep. Rodito Albano ang panukalang gawing legal ang paggamit ng marijuana sa bansa.
Nais ni Albano na ihain ang kanyang panukala sa buwan ng Marso dahil sa ngayon ay pinag-aaralan pa ito ng kanyang opisina.
Nilinaw ng kongresista na ang panukala niyang legalisasyon sa paggamit ng marijuana ay para lamang sa “medical purposes.”
Tiniyak niyang malayo sa Colorado, USA ang kanyang nilalayong maging sitwasyon sa bansa dahil hindi papayagan sa ihahain niyang panukala ang paggamit ng “marijuana for recreation” lamang.
Hindi rin aniya papayagan na maibenta kung saan-saan ang marijuana at lalong hindi pupwedeng itanim sa bakuran lamang kundi dapat itong ipagkatiwala sa mga doktor sa ilalim ng Department of Health (DoH).
Binigyang diin pa ni Albano na mayroon na aniyang pag-aaral na ang marijuana ay gamot sa ilang mga sakit tulad ng epilepsy.
May oil extract din ang marijuana na nakakagaling sa iba’t ibang uri ng sakit.
The post Marijuana bilang gamot, isusulong sa Kamara appeared first on Remate.