HINIHINALANG pinatay sa pamamagitan ng sakal ang isang hindi pa nakikilalang lalaki bago itinapon sa gilid ng maliit na sapa sa Barangay Pinagsama sa Taguig City.
Patay na ng madiskubre ang biktima na inilarawan lamang na nasa pagitan ng 20 hanggang 25-anyos, nakasuot ng puting t-shirt at short pants at may mga tattoo sa dibdib, sanhi ng malalim na guhit sa kanyang leeg.
Sa imbestigasyon ng Homicide Section ng Taguig police, nadiskubre ang bangkay alas-8:28 ni Romelo Gargonera, 63, ng Blk. 9, Lot 15, Phase II, Brgy. Pinagsama.
Nauna rito, alas-2 ng madaling araw nang makarinig ang ilang mga residente sa lugar ng ingay na mistulang naghahabulang kalalakihan.
Ilang sandali lang ay tumahimik na ang ingay kaya’t inakala ng mga naninirahan sa lugar na gawa lamang ng mga kabataang naghahabulan hanggang madiskubre ang bangkay ng biktima sa gilid ng maliit na sapa.
Ayon sa pulisya, wala isa man sa mga residente sa lugar ang nakakakilala sa biktima kaya’t hindi pa nila mabatid ang motibo sa pamamaslang.
The post Lalaki sinakal saka itinapon sa gilid ng sapa appeared first on Remate.