KAILANGAN munang magkaroon ng kahinaan sa justice system bago pa suportahan ng Malakanyang ang pagbabalik ng death penalty.
Sinabi ni Presidential Communications Operation Office (PCOO) Sec. Herminio “Sonny” Coloma, Jr. na isa aniya sa itinuturing na reserbasyon ukol sa pagbabalik ng hatol na bitay ay ang pananaw na may kahinaan ang justice system ng bansa.
“If the justice system is flawed, delikado iyong mga mapaparusahan na inosente, ‘di ba? Iyon iyong isa sa concerns, ano,” ayon kay Sec. Coloma.
Sa ngayon aniya ay hinihintay pa ng Malakanyang ang sinasabing panukala ni Senator Vicente C. Sotto III na pagbuhay sa death penalty sa pamamagitan ng lethal injection.
Sa ulat, sinabi ng senador na ito na ang tamang panahon para baguhin ang RA 9346 o nagbabawal sa parusang kamatayan dahil hindi naman natatakot ang mga gumagawa ng krimen sa habang buhay na pagkakabilanggo.
“Hihintayin na lang po natin iyong panukalang iyan, dahil hindi pa naman ito napapagpasyahan, o hindi pa naman ito tinatalakay o inilalahad sa Gabinete. Hintayin na lang po natin ang panukala hinggil diyan,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, ukol naman sa judicial reforms ay sinabi ni Sec. Coloma na paulit-ulit na aniyang naoobserbahan na marami pang dapat gawin para ma-improve iyong judicial process partikular na aniya ang aspeto ng tinatawag na , “speeding up the pace of litigation.”
“Hindi ba’t parating sinasabi: “Justice delayed is justice denied,” ang pahayag ng opisyal.
Tinuran pa rin niya na posibleng kaya nabanggit ng Punong Ehekutibo sa mga nakalipas na panayam dito na kinakailangan na talagang bigyan ng kaukulang pansin ang pagpapataw ng mas mabigat na kaparusahan ay upang maiwasan ang kapalpakan na maparusahan ang mga taong inosente sa kasong kinasangkutan nito.
Hindi natutulog sa pansitan ang mga tagapagpatupad ng batas pagdating sa pagsawata ng krimen sa bansa.
Binigyang diin ni Sec. Coloma na lahat aniya ng paglabag sa batas ay siniseryoso ng pamahalaan dahil ito aniya ay hindi katanggap-tanggap sa kanila.
“Kaya’t pinag-iibayo ang efforts ng ating law enforcement agencies to prevent crime. At kahit sino ang ating tanungin, ang crime prevention is best achieved through community efforts,” ang pahayag ni Sec. Coloma.
Samantala, sinabi naman ni Senador Sotto na nararapat lamang na may parusahang lethal injection o kamatayan ang mga heinous crime lalo pa’t tila hindi na maawat ang paglobo ng nangyayaring krimen sa bansa.
The post Malakanyang, suportado ang death penalty kung… appeared first on Remate.