MALAKAS pa rin ang kapit ni Agriculture Sec. Proceso Alcala kay Pangulong Benigno Aquino III dahil nananatili ang tiwala sa kanya ng Chief Executive kahit nasasangkot sa kontrobersiya ng rice smuggling.
Tiniyak ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio “Sonny” Coloma, Jr. na hindi pa rin nawawala ang “full trust and confidence” ni Pangulong Aquino kay Alcala kahit na nasa hot seat ito ngayon dahil sa usapin ng rice smuggling at kawalan ng aksyon sa rice smugglers.
“To the best of my knowledge, he still enjoys the President’s trust and confidence. Ang bawat kagawaran po, ang bawat kalihim ng kagawaran ay mayroong performance contract, mayroong performance agreement at makikita rin natin ito sa pambansang budget. Kaya mayroon namang kongkretong batayan para malaman kung ang isang Cabinet secretary o ang kanyang kagawaran ay tumutupad sa performance standards na itinakda ng Pangulo,” anito.
Sa kabilang dako, ginagawa aniya ni Sec. Alcala ang lahat para masigurong may sapat na bigas sa bansa lalo pa’t papalapit na ang summer season.
Tinuran ni Sec. Coloma na ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng bigas ay mahalagang layunin ng pamahalaan, at ayon aniya sa Kagawaran ng Pagsasaka ay ginagawa nito ang nararapat para tiyakin na magkaroon ng sapat na suplay at sa presyong makatwiran.
The post Sec. Alcala, todo-kapit kay PNoy appeared first on Remate.