PINATAY ng isang babae ang 35-anyos na vendor nang pagsasaksakin habang abala sa paglalako ng saging sa Malate, Maynila kagabi.
Namatay habang ginagamot sa Sta. Ana Hospital ang biktimang si Pedro Rosalejos, ng 9207 Catmon St., Makati City sanhi ng saksak sa katawan.
Inaalam naman ang pagkakakilanlan sa suspek na babae na tumakas matapos ang insidente.
Sa report, alas-6 kagabi nang naganap ang insidente sa kanto ng Zobel Roxas at Osmeña Highway sa San Andres, Malate, Maynila.
Sa salaysay ni Joey, 18, anak ng biktima, galing siya sa computer shop at papauwi na nang nadaanan ang ama na nakaupo sa nasabing lugar.
Inakala ni Joey na nagpapahinga lamang ito dahil sa pagod sa pagtitinda ng saging subalit nabigla siya nang napansin na may dugong umaagos sa katawan nito dahilan upang humingi ng saklolo at isinugod sa ospital ang biktima.
Sinabi ng ilang ususero na bago sinaksak ang biktima ay nakitang isang babae ang lumapit sa kanya kaya inaalam pa ng pulisya kung may kinalaman ang nasabing babae sa krimen.
The post Vendor inutas ng babaeng killer sa Maynila appeared first on Remate.