PINATATAPOS na ng isang kongresista ang iringan ng Bureau of Internal Revenue at ng kampo ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao bago pa man ang napipintong laban nito sa Amerikanong si Timothy Bradley.
Sinabi ni Dasmariñas Rep. Elpidio Barzaga na makabubuting tuldukan na ang isyung ito upang si Pacquiao ay makapag-ensayo at makapaghanda sa kanyang susunod na laban nang walang gumugulo sa kanyang isipan.
Sa ngayon ay nakabitin pa sa Kamara ang House Resolution 579 na nagsusulong na siyasatin ang ginawang pag-iisyu ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng warrant of garnishment laban kay Pacquiao.
Ayon kay Barzaga, nakapagtataka kung bakit sinasabi pa ng BIR na malaki ang pagkakautang ni Pacquiao sa buwis gayong taon-taon itong top individual tax payer.
Idedepensa ni Bradley ang WBO welterweight title nito na kanyang nasungkit kay Pacquiao noong 2012.
Si Pacquiao na inaasahang kikita ng may $20 milyon sa naturang rematch ay patuloy na hinahabol ng BIR dahil sa kabiguang makapagbayad ng P2.2-bilyon para sa kinita nito sa mga nagdaang taon na dahilan kung bakit naka-freeze ang mga deposito nito sa bangko.
The post Paghabol ng BIR kay Pacman pinatatapos na appeared first on Remate.