PATAY ang supervisor ng Extreme Bingo nang tambangan ng mga armadong kalalakihan na sakay ng iisang motorsiklo kaninang madaling-araw sa Pasay City.
Dead on the spot sanhi ng tama ng bala sa ulo at likurang bahagi ng katawan si John Lloyd Garcia, 33, ng 168 Libis Espina St., Caloocan City habang sugatan din matapos tamaan ng ligaw na bala ang mga tricycle driver na sina Edmond Egat, 25 at Edward Tingson, 61, kapwa nagpapagaling na sa Pasay City General Hospital sanhi ng tama ng bala sa paa at hita.
Sa tinanggap na ulat ni Pasay police chief Senior Supt. Florencio Ortilla, galing sa Extreme Bingo sa Metropoint Mall sa EDSA ang biktima at patungo sa isa pang sangay ng Extreme Bingo sa IPI Tower sa Gil Puyat Avenue sakay ng kanyang scooter, ala-1 ng madaling-araw nang sundan ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo.
Pagsapit ng biktima sa Taft Avenue malapit sa Libertad St., pinaulanan na ng bala ng mga suspek ang biktima na tinamaan sa likurang bahagi ng katawan habang nahagip din ng bala ang dalawang nakatambay na tricycle driver.
Nang bumagsak ang biktima sa sinasakyang motor, nilapitan pa siya ng isa sa mga suspek at malapitang binaril sa ulo upang matiyak na hindi na mabubuhay bago kinuha ang dala niyang bag at mabilis nang tumakas patungo sa hindi nabatid na lugar.
Ayon sa pulisya, tinitingnan nila kung may kaugnayan sa pamamaslang ang inilabas na direktiba ni Garcia na nagbabawal sa mga tambay at ilang manlalaro sa Extreme Bingo na mag-ingay dahil nakabubulahaw ang mga ito sa mga naglalaro.
Napag-alaman na mula nang maupo bilang supervisor si Garcia sa dalawang sangay ng naturang establisimyento, hinigpitan na nito ang pagtatambay at pag-iingay na labis na ikinairita ng ilang mga dating tumatambay sa naturang establisimyento.
Gayunman, hindi rin inaalis ng pulisya na posibleng pagnanakaw ang motibo dahil tinangay ng mga suspek ang bag ng biktima na wala namang nabanggit kung may lamang malaking halaga ng salapi.
The post Supervisor ng Extreme Bingo utas sa ambush appeared first on Remate.