BLANGKO pa ang Taguig City Police hinggil sa pambubugbog sa komedyanteng aktor at TV host na si Vhong Navarro nitong nakaraang Miyerkules ng gabi sa isang condominium sa Bonifacio Global City (BGC).
Sinabi ni Taguig chief of police Senior Supt. Arthur Felix, inamin nito na maging sila ay nabulaga na lamang nang makita sa telebisyon ang inabot na bugbog ng aktor.
Ayon kay Asis, walang blotter at walang naghain ng complaint sa Taguig PNP tungkol sa insidente.
“Sa TV na lamang namin nakita ang insidente tungkol kay Vhong Navarro, hindi nagpa-blotter ang kampo nito at walang complainant ,“ pahayag pa ni Asis.
Giit ng opisyal, dahil sa insidente mismong ang Taguig City police na ang gumagawa ng paraan para masimulan na nila ang imbestigasyon sa nasabing kaso.
Sinabi nito na nagpadala na siya ng investigating team sa lugar upang alamin ang buong pangyayari at lahat ng mga posibleng magiging ebidensiya para sa lalong madaling panahon ay malutas ang kaso.
Kabilang na rito ang pag-secure sa makakalap na impormasyon sa mga kuha ng CCTV kung mayroon man na nakalatag .
Tumanggi namang magbigay ng komento si Asis hinggil sa lumabas na video na nagpapakita sa pangsasalbahe sa aktor.
Umapela ito sa mga kamag-anak at sa mga malalapit sa aktor na magbigay ng anumang pahayag at impormasyon hinggil sa insidente.
Una na ring napaulat na balak ng kampo ng aktor na maghain ng reklamo laban sa mga suspek.
Kaugnay naman nito, bagama’t wala na sa panganib si Vhong, ay isasailalim pa rin siya sa operasyon dahil sa matinding mga sugat na kanyang tinamo.
The post Taguig PNP, nabulaga sa pambubugbog kay Vhong appeared first on Remate.