SUGATAN ang isang lalaki nang magkagirian ang mga security guards at mga informal settlers na umookupa sa isang pribadong lote kung saan nauwi sa kaguluhan kahapon ng umaga sa Taguig City.
Kritikal ang kondisyon sa Taguig-Pateros District Hospital ang biktimang si Ismael Sumagka, 41, ng Maharlika Village sanhi ng tinamo nitong tama ng bala sa kanyang tiyan nang magpaputok umano ng baril ang mga security guard.
Inaresto naman ng mga rumespondeng pulisya ang guwardiyang si Domingo Buen, nasa hustong edad nang ituro siya ng mga saksi na nagpaputok ng baril nang magkaroon ng tensiyon sa pagitan ng dalawang panig.
Pinasinungalingan naman ni Buen ang bintang sa kanya at iginiit na warning shot lamang ang kanilang ginagawa upang mahadlangan ang paglusob ng mga armadong kalalakihan na kabilang sa mga informal settlers.
Batay sa isinagwang imbestigasyon nina PO3 Roger Aquilesca at PO3 Kenneth Masnan ng Taguig police Homicide Section, nagsimula ang girian sa pagitan ng mga guwardiya at mga informal settlers makaraang magsimulang maghakot ng mga materyales na gamit sa pagtatayo ng barong-barong ang ilang mga kalalakihan na nagnanais umokupa sa may dalawang ektaryang pribadong lote sa Barangay New Lower Bicutan na pag-aari ng isang Ramon Lee.
Napag-alaman na mahigit 100-pamilya na ang naninirahan sa pribadong lote na noon pa pinapaalis ng may-ari subalit nagmamatigas ang mga ito sa paniwalang hindi si Lee ang may-ari sa lote.
Iniutos naman ni Taguig police chief Senior Supt. Arthur Felix Asis sa kanyang mga tauhan na bantayan ang naturang lugar upang hindi na muling maulit pa ang karahasan at mapanatili ang katahimikan sa magkabilang panig hangga’t hindi nareresolba ng korte ang usapin.
The post Isa sugatan sa girian ng mga guwardiya at informal settlers appeared first on Remate.