POSITIBO si House Speaker Feliciano Belmonte na maipapasa ng 16th Congress ang inihain niyang resolusyon na nagsusulong sa Charter Change (ChaCha).
Sinabi ito ni Belmonte sa kabila ng naunang pahayag ni House Majority Leader Neptali Gonzales II na malabo nang makasulong pa ang Chacha dahil wala ito sa prayoridad ng Kamara bukod sa tutol pa rito si Pangulong Aquino.
Nairitang sinabi ni Belmonte na makabubuti aniyang kausapin muna siya ni Gonzales bago magbitiw ng kanyang posisyon.
“It’s better that the majority leader talk to the speaker”, ani Belmonte.
Giit pa ni Belmonte na uunahin niyang makasulong ang Chacha bago ang Freedom of Information (FOI) bill.
Ayon pa sa speaker, tatalakayin na sa House Committee on Constitutional Amendments ngayong buwan ang resolusyon para sa pagsisingit sa economic provision ng saligang batas ng mga katagang “unless otherwise provided by law.”
Ito anya ang magsisilbing susi para madaling amiyendahan ang mga partikular na economic provision anumang panahon na kailanganin ito nang hindi kailangang maglunsad ng malaking pagbabago sa konstitusyon.
Inaasahan ni Belmonte na maiaakyat sa plenaryo ang chacha resolution sa loob ng first quarter ng 2014 dahil itinuturing niya itong prayoridad kahit pa hindi suportado ni Pangulong Aquino.
Tiniyak din ni Belmonte na hindi ito masisingitan ng ibang amiyenda sa saligang batas dahil kung may magtangkang isama rito ang mga political amendments ay siya mismo ang magsasabing huwag itong iakyat sa plenaryo.
The post Charter Change ipipilit na maipasa ni Belmonte appeared first on Remate.