NAGPAHAYAG si Manila Mayor Joseph Estrada na nais niyang ibalik sa bansa ang “death penalty” makaraang iprisinta sa kanya ang pangunahing suspek sa panggagahasa at pagpatay sa 6-anyos na babae sa Pandacan, Maynila kamakalawa ng hapon.
Halos hindi maipinta sa nararamdamang galit ang mukha ni Estrada makaraang iharap sa kanya ni P/Supt. Alfredo “Hitman” Opriasa, hepe ng Manila Police District (MPD) Station 10 sa Pandacan ang suspek na si Mark Leo Avila, na naaresto noong Linggo ng gabi makaraang magsagawa ng manhunt operation ang pulisya.
Nakilala ang suspek sa pamamagitan ng CCTV footage mula sa Brgy. Hall kung saan ay akay-akay nito ang batang biktima na papatawid ng kalye bago naganap ang karumal-dumal na krimen.
Nang maaresto ang suspek ay kinuyog ito ng mga galit na galit na residente kaya’t agad itong ibiniyahe sa himpilan ng pulisya.
Nang iharap ang suspek kay Estrada ay umamin ito na nasobrahan siya sa alak at paggamit ng droga kaya nagawa niya sa biktima ang panghahalay at pagpaslang sa pamamagitan ng pagpalo sa ulo ng batang babae.
Sa galit ng alkalde ay nasambit nito sa suspek na “Daig mo pa ang hayop, ah.” Kung saan nakapagsalita pa ito na dapat ay mabitay ang suspek sa ginawa nitong krimen.
Nangako naman si Estrada sa pamilya ng biktima na tutulungan niya ito upang maiusad ang kaso at makamit nila ang katarungan.
The post Death penalty ipinababalik ni Erap appeared first on Remate.