INABISUHAN na ng pamunuan ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang publiko at motorista sa pagbigat ng trapiko sa Sabado sa Sta. Mesa area dahil sa isasagawang college entrance examination.
Ayon kay Dr. Ruby Gapasin, director ng PUP Communication management office, ito ang unang batch ng examinees na magsisimula ng alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Inaasahan namang aabot sa 22 libong estudyante ang kukuha ng exam para sa unang batch sa Sabado, Enero 25.
Sa Pebrero 15 naman ang susunod na batch ng examinees.
Dahil dito, pinayuhan ng pamunuan ng unibersidad na umiwas muna sa area ang mga motorista upang hindi maabala sa pagdagsa ng mga estudyanteng kukuha ng exams.
Gayunman, nakipag-ugnayan na rin ang PUP management sa Manila Traffic Unit para sa deployment ng mga enforcer.
Ang PUP ay ang pinakamalaking state university sa bansa kung saan taon-taon ay umaabot sa 50,000 ang kumukuha ng pagsusulit ngunit ang tinatanggap lamang ay 8,000 estudyante.
The post PUP entrance exam magpapasikip sa trapiko appeared first on Remate.