MAGPAPASKIL ang Commission on Elections (COMELEC) ng listahan ng voter’s ID na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nakukuha ng mga may-ari nito sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, kabilang sa mga lugar na pagpapaskilan nila ng listahan ay sa labas ng mga tanggapan ng Comelec, Barangay Hall at iba pang pampublikong lugar.
Ipinaliwanag ni Jimenez na malaking tulong ang voter’s ID sa mga botante dahil kinikilala ang mga ito ng lahat ng government offices at maging ng mga bangko sa lahat ng legal transactions.
Una nang sinabi ng Comelec na aabot sa tinatayang 4.5 milyong voter’s ID ang hindi pa rin nakukuha sa iba’t ibang tanggapan ng poll body.
Naglunsad na rin ang Comelec- Education and Information Department (EID) ng #VoterIDKo Project sa mga social media para sa sistematikong pamamahagi ng voter’s ID.
Ipinaalala naman ng poll body na sa pagkuha ng voter’s ID ay kailangang magprisinta lamang ng balidong ID.
Para sa iba pang katanungan hinggil sa paghahanap ng voter’s ID ay maaari namang tumawag sa Comelec hotline (02) 525-9294 o mag-tweet sa @COMELEC gamit ang hashtag na #VoterIDKo o mag-email sa voteridko@gmail.com.
The post Hindi pa nakukuhang voter’s ID, ipapaskil ng Comelec appeared first on Remate.