MAKATATANGGAP ng tig-P10,000 ang lahat ng opisyal at empleyado ng Insurance Commission.
Ito ang magandang balita ni Pangulong Benigno Aquino III sa pagdiriwang ng ika-65 anibersaryo ng Insurance Commission, Parking Lot, Insurance Commission, UN Ave., Ermita, Maynila.
Sinabi ng Chief Executive na labis siyang humanga sa posisyon ni Commissoner Emmanuel Doc na sa kabila ng kasipagan sa trabaho ay hindi man lamang humirit ng bonus sa kanya.
Sa kabilang dako, tila may pinasaringan naman ang Chief Executive nang sabihin na hindi siya natutuwa sa mga taong nagtataas ng sarili nilang bangko.
“Kaya naman hindi lang dahil sa husay ng trabaho n’yo, pero pati na rin sa husay ng ugali n’yo ay dapat naman talaga ipagkaloob itong bonus na ito. Turo po sa’kin ng tatay ko, ‘wag ka magbibitaw ng salitang hindi mo kayang gawin, at ‘pag mahirap gawin, lalo mong gawin. Pero bago ko ho binigkas sa inyo ‘yan, tinawagan ko na muna ang ating butihing Kalihim Cesar Purisima para matanong, bakit wala at puwede ba ibigay at sumang-ayon po siya. Nagrekomenda rin po siyang dapat ipagkaloob,” anito.
Samantala, sinabi pa ni Pangulong Aquino na hinanap niya ang mga dokumento ng mga opisyal at empleyado ng Insurance Commission hanggang sa Malacañang Records Office.
“Eh, nandito pa ho pala, iuuwi ko na para madaan na ang proseso at maipagkaloob na sa inyo ang bonus n’yo,” ang pahayag ng Punong Ehekutibo.
The post Insurance Commission officials, employees may P10K bonus appeared first on Remate.