IPINAG-UTOS na ng Korte Suprema ang imbestigasyon laban kay Sandiganbayan Associate Justice Gregory Ong.
Partikular na pinaiimbestigahan ng hukuman ang ugnayan o koneksyon ni Ong sa itinuturong pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles.
Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Theodore Te, namumuno ng SC Public Information Office, na magtatalaga ang hukuman ng retiradong Supreme Court justice na hahawak ng imbestigasyon.
Ang kaso ni Ong ay ituturing bilang regular administrative case.
Iniutos ng SC ang imbestigasyon makaraang ilahad ni Benhur Luy, whistleblower sa pork barrel scam, sa Senate Blue Ribbon Committee Hearing na si Ong ay ang contact umano ni Napoles sa Sandiganbayan.
Nabatid na nakapagsumite na rin si Ong ng paliwanag sa Korte Suprema.
Matatandaan na naging kontrobersyal noong nakalipas na taon ang lumabas na larawan ni Napoles kasama si Ong at Senador Jinggoy Estrada.
Kontrobersyal ang larawan dahil si Napoles ay dating akusado sa kaso ng Kevlar Helmet na dinesisyunan ng Second Division ng Sandiganbayan noong October 28, 2010 kung saan si Ong ang umuupong chairman.
Ang Kevlar Helmet case ay maanomalyang transaksyong nagkakahalaga ng P3.8 million na pinasok ng Philippine Marines noong 1998.
Noong 2010, sinentensyahan ng Sandiganbayan ang mga military officer na lumagda sa kontrata, ang kapatid ni Napoles ay nahatulan din sa kasong falsification of public documents pero si Napoles na nagpa-encash ng tseke mula sa Marines ay naabswelto.
The post Justice Gregory Ong, pinaiimbestigahan ng SC appeared first on Remate.