NAGSIMULA nang uminit ang politika sa Zamboanga del Norte kasunod ng pag-iiringan ng mga kilalang pamilya doon.
Matapos ang maaanghang na akusasyon na binitiwan ni Zamboanga Rep. Seth Frederick Jalosjos laban kay DILG Secretary Mar Roxas sa kaniyang privilege speech ay umalma naman ang isang kongresista na kaalyado ng Liberal party.
Tumayo sa plenary si Zamboanga del Norte 2nd District Rep. Rosendo Labad-labad upang ipaalam na nililito diumano ni Jalosjos ang publiko kaugnay sa tunay na sitwasyon sa kanilang lalawigan.
Sa kaniyang privilege speech, binigyang diin ni Labad-labad na walang basehan ang mga akusasyon ng mga Jalosjos laban sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa lalawigan.
Ang tunay umanong isyu ay itinatago ni Jalosjos ang kaniyang tiyuhin na si dating Dapitan Mayor Dominador Jalosjos na ipinaaaresto ng Supreme Court noon pang November matapos masentensyahan ng prison mayor sa salang pagnanakaw noon pang 1970 na hindi naman nito napagsilbihan.
Bukod pa aniya sa pagkabilanggo ay nahatulan din ng SC ang dating alkalde ng “perpetual special disqualification” sa alinmang tanggapan ng gobyerno.
Si Jalosjos ay unang bumatikos kay Roxas dahil sa kabiguan umano na masugpo ang mala-martial law sa lalawigan sa pangunguna ni Police Supt. Reynaldo Maclang, provincial public safety commander ng Zamboanga del Norte.
Binanggit pa ni Jalosjos ang diumano’y pangha-harass sa kaniya sa isang police checkpoint at sapilitang pagdadala sa kaniyang de-plakang sasakyan sa kampo bukod pa aniya dito ang mga kinasasangkutan nitong extra-judicial killings at iligal na pagkulong sa ilang journalists.
Ngunit paglilinaw ni Labad-labad na ang checkpoint ay pagtupad lamang sa direktiba ng Commission on Elections (Comelec).
Dinepensahan din ni Labad-labad si Maclang sa pagsasabing sa panahon ng diumano’y extra-judicial killings at pag-aresto sa mga media practitioners ay kasalukuyang nag-aaral ang opisyal sa National Defense College (NDC) mula 2011 hanggang 2012.
Ang nabanggit aniyang mga journalists ay nakitaan ng probable cause ng Office of the City Prosecutor ng Dipolog hindi dahil sa kritikal sila sa kalaban ng mga Jalosjos kundi dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga.
Ayon kay Labad-labad, nagsimulang magalit ang mga Jalosjos kay Maclang nang maglunsad ito ng all-out campaign laban sa illegal drug trade at illegal gambling.