PUMALO sa mahigit 2,000 ang kaso ng tigdas na naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa noong taong 2013 at 55 sa mga ito ang kumpirmadong nasawi dahil sa kumplikasyon.
Ayon kay Health Assistant Secretary at spokesman Dr. Eric Tayag, director ng DOH – National Epidemiology Center (NEC), kabuuang 2,232 measles cases ang kanilang naitala mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2013.
Sinabi naman ni Health consultant Dr. Willie Ong na ang naturang kaso ay mas mataas ng 712 cases kumpara sa kabuuang bilang na naiulat noong taong 2012, na umabot lamang ng 1,520.
Ang National Capital Region (NCR) pa rin ang may pinakamaraming bilang ng kaso ng sakit na umabot sa 1,051; kasunod ang Calabarzon na may 526 kaso; at Western Visayas na may 306.
Sa panig naman ni Health Secretary Enrique Ona, sinabi nito na sa kabila nang massive vaccination efforts ng pamahalaan sa mga nakalipas na linggo ay inaasahan na nilang madagdagan pa ang mga mabibiktima ng tigdas sa mga unang linggo ng buwang ito.
Ipinaliwanag ni Ona na ang epekto ng massive vaccination ay mararamdaman lamang sa pagitan ng dalawang linggo hanggang sa isang buwan.
Itinakda naman na ng DOH ang buwan ng Setyembre para maglunsad ng regular mass vaccination campaign sa buong bansa, bilang bahagi ng kanilang pagsusumikap na tuluyan nang masugpo ang tigdas.
Samantala, idineklara na ng DOH ang tigdas outbreak sa Pampanga matapos makapagtala ng pinakamaraming kaso ng tigdas ang Region 3 mula Nobyembre hanggang Disyembre 2013.
Sa tala ng ahensya, tumaas ng 112% ang kaso ng tigdas sa rehiyon kumpara noong 2012.
Tiniyak naman ng DOH na sapat ang kanilang suplay ng bakuna laban sa tigdas.
Patuloy din ang pag-iikot ng health workers sa probinsya para bakunahan ang mga bata.
Una nang nagdeklara ng tigdas outbreak ang DOH sa ilang lungsod sa Maynila.
The post Tinamaan ng tigdas pumalo sa 2,000 appeared first on Remate.