IPINABABASURA sa Department of Justice ng dalawa sa naarestong suspek sa isang farm sa Batangas ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Illegal possession of firearms and ammunition na isinampa laban sa kanila ng PNP Anti-illegal Drugs Special Operations Task Force.
Sa pagpapatuloy ng preliminary investigation sa DOJ, sinabi nina Arjay at Rochelle Argenos na caretaker lang sila ng farm na pinagsamsaman ng 84 kilo ng hinihinalang shabu sa LPL Ranch, sa Barangay Inosloban, Lipa, Batangas noong Pasko.
Bilang patunay, sinabi ni Arjay na hinuli siya ng mga pulis nang magbukas ng gate habang si Rochelle ay nagwawalis nang sumalakay ang PNP na siya ring laman ng joint affidavit ng 3 pulis na complainant sa naturang kaso.
Naniniwala rin ang 2 Argenos na hindi sa farm nahuli ang kanilang among Chinese na si Gary Tan.
Hindi rin anila nakuha ang shabu, baril at mga bala sa tinutuluyang kwarto ni Tan kundi sa ikatlong kwarto na may 200 metro ang layo.
Inaasahan naman ang pagsusumite ni Tan ng counter affidavit sa Enero 21.
Una nang nagsumite ng affidavit sina Batangas Vice Governor Mark Leviste at amang si Conrad at si Benny Orense, administrator ng LPL Ranch.
The post 2 naaresto sa LPL Ranch, umapela sa DoJ appeared first on Remate.