MATAPOS arestuhin ang itinuturing na big-time rice smuggler na si Davidson Bangayan o David Tan, pinalaya rin ito kaninang hapon din.
Ayon sa abogado ni Bangayan na si Benito Salazar, pinalaya rin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanyang kliyente makaraang iprisinta nito ang kanyang driver’s license at birth certificate na nagsasabing nagkamali sila ng inarestong tao at hindi siya si David Tan, ang taong tinuturong may kinalaman sa rice smuggling activities.
“We were able to prove that my client is not David Tan. That is why we went to Justice Secretary [Leila] de Lima and the NBI, precisely to clear my client’s name,” ayon kay Salazar.
Una nang lumutang si Bangayan kay Justice Secretary Leila de Lima upang linisin ang kanyang pangalan matapos niyang makita ang kanyang litrato sa mga balita at inaakusahang siya si David Tan.
Ayon kay De Lima, inamin ni Bangayan na isa sa kanyang negosyo ang pagbebenta ng scrap metal at fertilizer, at inamin din nito na mayroon din siyang maliliit na rice business.
Si Bangayan ay inaresto sa bisa ng mandamyento de aresto na ipinalabas ng Caloocan Regional Trial Court noong October 11, 2010.
Ang kaso ay may kinalaman sa paglabag ni Tan sa Republic Act 7832 o Anti Pilferage Law.
The post DoJ maling ‘David Tan’ ang naaresto appeared first on Remate.