NANINIWALA si Pangulong Benigno Aquino III na pawang mga biktima ng bagyong Yolanda ang respondents ng Social Weather Stations (SWS) sa kanilang survey kung saan kinonsidera ang kanilang sarili na pawang mahirap.
Tinatayang may 11.8 milyong household ang nagsabi na sila’y mahihirap.
Ang survey ay isinagawa mula Disyembre 11 hanggang 16, isang buwan matapos manalasa ang bagyong Yolanda sa bansa.
“Alangan namang… nawalan ka ng trabaho, nawalan ka ng tirahan, nawalan ng kuryente, na-disrupt ‘yung economy, tapos sasabihin, ‘Gumanda ang buhay ko.’ Wala naman sigurong magsasabi nu’n,” ang may himig pagkapikon na pahayag ni Pangulong Aquino.
Subalit, biglang bawi naman si Pangulong Aquino sa pagsasabing, pinapatakbo niya ang bansa hindi sa survey ng kung ano-anong survey firm.
“Naggo-govern tayo sa ano ba ang facts. Although, magandang tingnan nga ‘yan, at saka kung papansinin mo, ‘yung self-rated hunger, hindi constant figure ‘yan—nagbabago-bago,” ayon sa Punong Ehekutibo.
Sinabi pa rin niya na patuloy naman ang Conditional Cash Transfer (CCT) system ng pamahalaan para lutasin ang kahirapan sa bansa.
“Dadagdag nang dadagdag ‘yung kakayahan ng bawat Pilipino para makasama doon sa pag-angat ng ating ekonomiya para lalo talagang maging inclusive. Bigyan mo ng skills para maka-participate sa growth ng ating ekonomiya,” ayon sa Pangulo.
The post ‘Mahirap’ sa survey ng SWS, biktima ng ‘Yolanda’ – PNoy appeared first on Remate.