HINDI muna pinigil ng Korte Suprema ang kinukuwestiyong pagtataas sa premium contribution ng Social Security Systems (SSS).
Nabatid na sa isinagawang kauna-unahang deliberasyon ng Supreme Court En Banc ngayong taon, hindi muna inaksyunan ng Korte Suprema ang hiling na temporary restraining order laban sa pagtataas ng SSS contribution.
Ang kaso ay may kinalaman sa inihaing petition for certiorari ng Kilusang Mayo Uno, Anakpawis Partylist at iba pang mga grupo ng mga manggagawa laban kina Pangulong Aquino, Executive Secretary Paquito Ochoa, Social Security Commission at SSS President Emilio de Quiros.
Sa halip, inatasan muna ng Korte Suprema ang mga respondent sa kaso na magsumite ng komento o paliwanag sa nasabing petisyon sa loob ng sampung araw.
Sa petisyon ng KMU et al, tinukoy ng mga petitioner na hindi na kailangan pang itaas ang SSS premium contribution.
Nangangamba rin sila na mapupunta lamang ang itataas sa SSS contribution sa bulsa ng mga malalaking kapitalista sa pamamagitan ng start-up capital para sa mga proyekto na popondohan sa ilalim ng Public-Private Partnership Program ng pamahalaan.
Sa ilalim ng kinukwestiyong April 9, 2013 Resolution ng SSS, umpisa ngayong Enero ay itataas ng 0.6 percent ang SSS contribution ng mga manggagawa kung saan mula sa dating 10.4 percent ay gagawin ng 11percent.
The post Pagtataas sa SSS premium contribution, ‘di pinigil ng SC appeared first on Remate.