MAY SUPORTA man o wala mula sa kanyang mga kasamahang mambabatas, itutuloy ni Marinduque Rep. Reynaldo Umali ang paghahain ng impeachment complaint laban sa ilang mahistrado ng Korte Suprema.
Magkagayunman, inaasahan ni Umali na makukuha niya ang lagda ng kalahati ng 169 na nauna nang sumuporta sa kanyang resolusyong inihain na nagpapanatili sa kautusang tanging ang House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) lamang ang may hurisdiksyon sa protesta laban sa isang kongresistang naiproklama at nakapanumpa na sa puwesto.
Kasama aniya sa sasampahan niya ng impeachment complaint ang ponente ng desisyon ng SC sa ikalawang motion for reconsideration na inihain ng kampo ni Marinduque Rep. Regina Reyes.
Magugunitang dalawang beses naglabas ng desisyon ang SC na nagdidiskuwalipika kay Reyes bilang kongresista at nag-uutos naman na ang dapat na umupo ay si dating Congressman Lord Allan Velasco na anak ni SC Justice Presbitero Velasco.
Si Justice Velasco ay agad nag-inhibit sa lahat ng pagdinig ng SC sa protesta dahil sa delicadeza.
Ang Commission on Elections ay naunang diniskuwalipika si Reyes bilang kandidato dahil sa pagiging American citizen nito na ayon sa kongresista ay matagal na niyang isinuko.
The post Impeachment vs Supreme Court Justices, tuloy appeared first on Remate.