UMAKYAT na sa 12 katao ang naitalang namatay habang daan-daang pamilya na ang inilikas sa kani-kanilang bahay sa Davao dahil sa pagtaas ng tubig-baha dala na rin ng walang tigil na pag-ulan.
Ang pag-ulan ay dala ng low-pressure area (LPA) sa Mindanao.
Sa ulat, sa Compostella Valley ay tatlo ang binawian ng buhay, tatlo ang nawawala habang walong iba pa ang sugatan.
Ito ay makaraang umabot na ang baha sa bubungan ng mga bahay doon.
Samantala, nakapagtala naman ng siyam patay sa Davao Oriental, apat ang sugatan habang umabot naman sa 8,500 pamilya ang apektado sa nasabing sama ng panahon.
Sa Davao del Norte, 256 pamilya ang inilikas.
Matatandaan na tuloy pa rin sa pagbangon ng Davao Region nang tamaan ng bagyong Pablo noong 2012.
Sa katunayan, tuloy pa rin sa kasalukuyan ang rehabilitasyon dito para mabigyan ng bahay ang 27,000 pamilya na binayo ng bagyong Pablo.
Sa 6-pm report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kanina, pitong landslides na ang kanilang naitala at ito ay tumama sa Brgy. Sta. Cruz, Kapatagan, Lanao del Norte; Sitio A1 Purok 6, El Salvador, New Corella, Davao del Norte; KM 6, Brgy, Pandapan, Tagum City; Davao del Norte Sitio Camansi; Brgy. Maglahus, Cateel, Davao Oriental; Brgy. Sumili, Butuan City, Agusan del Norte; Brgy. Nuncia, Lanuza, Surigao del Sur at Brgy. Poblacion, San Jose, Dinagat Islands.
Sa pagkumpirma ng NDRRMC, ang LPA ay malayo pang maging bagyo na namataan 190 kilometro sa silangan ng General Santos City at inaasahang magdadala ng pabugso-bugsong pag-ulan sa Mindanao, partikular sa CARAGA at Compostela Valley at sa Visayas, kasama na sa Leyte, Samar, Negros Oriental at Negros Occidental, Cebu at Bohol.
The post 12 na ang patay sa pagbaha sa Davao appeared first on Remate.