MABILISANG paglilinis ng basura ang pangunahing concern ni Pangulong Benigno Aquino III sa Tacloban City.
Sa pulong na idinaos sa Aguinaldo State Dining Room, Malakanyang para sa Yolanda Rehab ay sinabi ni Pangulong Aquino na kailangang maalis agad ang tambak-tambak na basura sa nasabing lalawigan upang mas maging maayos at mabilis ang rebuilding efforts na ikinakasa ng team ni Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (PARR) Sec. Panfilo Lacson.
“Secretary (Panfilo) Lacson pointed out the need for speeding up the clearing of debris in Tacloban City, so that rebuilding efforts can proceed unimpeded, and to minimize citizen’s exposure to health and safety hazards,” ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Herminio “Sonny” Coloma Jr.
Sinabi naman ni Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ramon Paje na may 30 shredders ang available para sa agarang shipment sa calamity area.
Gagamitin aniya ito upang durugin ang mga basura para sa tamang disposal at posibleng recycling.
Ang posibleng redeployment ng MMDA rescue battalion sa Tacloban ay kinukunsidera rin.
Inatasan naman ni Pangulong Aquino si DILG Secretary Manuel Roxas at DPWH Secretary Rogelio Singson na agad na i-implementa ang rebuilding program para sa nasirang pasilidad ng lokal na pamahalaan kabilang na ang mga town halls, public markets, at civic centers.
Iniulat naman ni Health Secretary Enrique Ona na naka- monitor ang departamento at patuloy na sinusuri ang paglaganap ng “chikungunya,” isang mosquito-borne disease na nagreresulta ng pananakit ng katawan subalit kinukunsidera itong hindi ganoon kapanganib katulad ng dengue.
Nagsasagawa na ng malawakang fogging operations sa ‘Yolanda’-affected areas.
Iprinisinta naman ni Justice Secretary Leila de Lima ang report ng NBI ukol sa identification at pagpapalibing sa mga namatay dahil sa bagyong Yolanda sa Tacloban City.
Kinalampag naman ni Pangulong Aquino ang DBM na mag- provide ng karagdagang pondo para kompletuhin ang cadaver identification at burial process sa lalong madaling panahon.
Iniulat naman ni DoST Secretary Mario Montejo ang malapit na nitong makumpletong tinatawag na simulation studies sa epekto ng posibleng storm surge.
Hinihintay naman ni DoTC Secretary Joseph Emilio ang pagsusumite ng JICA study sa katapusan ng buwan ukol sa renovation ng Tacloban Airport na winasiwas ng bagyong ‘Yolanda’.
Samantala, inatasan naman ng Chief Executive ang DBM na magsumite ng rekomendasyon sa posibilidad ng pagpapalawig ng financial assistance sa national government employees na naapektuhan ng bagyong Yolanda gaya na rin ng tulong na ipinagkaloob sa mga naapektuhan naman ng bagyong ‘Pablo’ at ‘Sendong’.
The post Mabilisang paglilinis sa Tacloban iniutos ni PNoy appeared first on Remate.