NAGHAIN ng kanyang counter-affidavit si Senador Jinggoy Estrada sa Office of the Ombudsman hinggil sa kinahaharap na kasong plunder kaugnay ng P10 billion pork barrel scam na minaniobra ni Janet Lim-Napoles.
Sa kanyang inihaing counter-affidavit laban sa asuntong inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) at ni Atty. Levito Baligod, iginiit ni Estrada na bahagi lamang ng pamumulitika laban sa kanilang taga oposisyon ang kaso na may kaugnayan sa 2016 elections.
Binigyang diin ng senador na hindi siya kumita sa proyektong pinaglaanan niya ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel.
Hindi rin aniya siya tumanggap ng anomang halaga mula sa itinuturong master-mind ng pork barrel scam na si Napoles o sa mga taong nasa paligid nito.
Pinuna pa ng senador ang mga akusasyon laban sa kanya na hindi suportado ng mabibigat na ebidensya sa halip ay pawang alegasyon mula sa secondhand information na aniya’y “hearsay, malicious suspicion and speculations.”
Mismong ang mga testigo aniya ang umamin sa imbestigasyon ng Senado na peke ang mga lagda at dokumento sa sinasabing transaksyon.
Binigyang diin pa ni Estrada na bilang isang halal na mambabatas, ay wala siyang direktang partisipasyon sa implementasyon ng proyektong pinaglaanan ng pork barrel fund sa halip ay tanging pagtutukoy lamang ang kanyang maaaring gawin na alinsunod sa itinatadhana ng batas.
Iginiit pa ng mambabatas na ang kanyang endorsements sa NGOs ay “recommendatory at best” kung saan nakasalalay pa rin sa implementing agency ang pagtanggap nito.
Idenepensa rin ni Estrada ang kanyang dating appointments secretary na si Pauline Labayen sa pagsasabing walang mabigat na batayan para idamay ito sa kasong plunder.
Kabilang si Estrada at sina Sen. Juan Ponce Enrile at Sen. Ramon Revilla Jr., sa mga kinasuhan ng plunder sa Ombudsman.
The post Jinggoy naghain ng counter-affidavit sa pork scam appeared first on Remate.