SINUSUGAN ng National Press Club (NPC) of the Philippines ang planong pagpapaimbestiga ni Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery Panfilo ‘Ping’ Lacson sa pagkakaroon ng sabwatan at kickback sa pagpapatayo ng bunkhouses sa mga sinalantang lugar ng super typhoon Yolanda.
Ayon kay NPC President Benny Antiporda, hindi kalakihan ang magagastos sa pagpapagawa ng pansamantalang tahanan lalo na at libre ang pagpapagawa nito.
Aniya, mahigit 200 kabahayan ang ipinagawang pansamantalang bahay ng pondong nakalap ng mga pamunuan ng NPC, Chiang kai Shek College Batch ’84, Pasay City Host Lions’ Club at PG Flex Linoleum noong Disyembre 2013.
Umabot lamang sa P12,060 ang kabuuang gastos sa bawat bahay na ang pansamantalang nagsilbing dingding ay tolda lamang at sa kumpleto naman ay maaaring umabot sa P15,000 at hindi lalagpas ng P16,000.
Kung hihigit pa sa halagang P20,000 ang magagastos sa bawat bunk house o temporary house na ipinagagawa ng gobyerno ay siguradong may nagaganap na hindi maayos.
“Sa costing na ‘yan, kasama pa ang labor o bayad sa gumagawa,” ani Antiporda. “Kung libre ang pagpapagawa, mas malaki ang maititipid. Kaya kung aabot ng P50,000 bawat temporary house sa ipinagawa ng gobyerno, siyento por siyento na may nakapagbulsa ng pera na laan para sa mga nasalanta.”
Unang naiulat na kumabig ng mula 30% hanggang 35% kickback ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa konstruksyon ng bunkhouses.
Mariin itong itinanggi ni DPWH Sec. Rogelio Singson na naghamon pang magbibitiw sa pwesto kung mapatutunayang overpriced ang mga temporary houses.
“Maawa naman sila sa mga kababayan nating minalas na mawalan ng tahanan at kabuhayan,” dagdag pa ng pangulo ng NPC. “Maraming gustong tumulong sa atin dahil sa nangyaring kalamidad, pero kung may mga walang budhing nagbubulsa pa ng dapat sana ay para sa mga sinalanta, baka mawalan sila ng gana. Makonsensya naman sila.”
Nangako naman si Lacson na hindi siya papayag na maibulsa ng mga sakim ang pondo para sa rehabilitasyon.
Nakikipag-ugnayan na sila sa mga non-governmental organizations (NGOs), local government units (LGUs) upang maging maayos ang lahat.
Matatandaang iginiit ni Pres. Benigno Simeon Aquino III kay Lacson na siguruhing walang mananamantala sa pondo para sa mga sinalanta ng bagyo.
Para naman kay Antiporda, dapat ay tantiyahing mabuti ng DPWH ang laki ng bunk house na ipinagagawa nila upang magkapare-pareho rin ang presyo.
“Kung nagkakaroon ng problema sa contractors, sa DPWH pa rin maituturo ang sisi dahil sila ang kumuha sa kontraktor,” dagdag pa ni Antiporda.
“Dapat, may specifications. Kami ngang walang karanasan sa maramihang pagpapagawa ng bahay, naging maayos ang accounting, sila pa kayang sanay na sanay na?”
Batay sa international standard, ang sukat ng espasyo para sa isang tao ay 3.5 square meters.
Abot naman sa 8.64 sq. m. lamang ang sukat ng bawat bunk house na ipinagagawa ng DPWH samantalang 10 hanggang 12 sq.m. naman ang laki ng ipinagawa ng grupo ni Antiporda.
The post Overpriced na bunkhouses kinumpirma ng NPC appeared first on Remate.