MAGBIBIGAY ng P50,000 pabuya si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa mag-utol na rumatrat sa street party noong bisperas ng Bagong Taon sa nasabing lungsod.
Ayon pa kay Malapitan, nais niyang madakip agad ang mag-utol na sina Loriel at Jetjet Badilla ng BMBA compound ng lungsod upang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay nina Jovito Alnas at Renato Bautista at ikasugat ng 10 pa.
Sa ulat, alas-11:50 ng gabi noong Disyembre 31, 2013 nagkakasayahan upang salubungin ang Bagong Taon ang mga biktima sa nasabing lugar nang ratratin ng magkapatid na suspek.
Lumalabas na paghihiganti ang motibo ng mga suspek dahil isang kaanak ang napatay sa nabanggit na lugar dahil sa droga noong Pebrero, 2012 at nagbantang gaganti.
Nabatid naman kay Supt., Ferdinand Del Rosario, hepe ng investigation ng Caloocan Police, nakausap na niya ng tatay ng mga suspek na si Lucas at nangakong kukumbinsihin ang mga anak na sumuko kung sakaling makakausap nito upang panagutan ang nagawang krimen.
Nabatid pa kay Del Rosario na wala pang naisasampang kaso sa mag-utol kung saan karamihan sa mga biktima ay tikom ang bibig dahil sa takot na muling buweltahan ng mga suspek na sinasabing maraming kakamping mga loko sa nasabing lugar.
The post P50K pabuya sa mag-utol na nangratrat ng street party appeared first on Remate.