HUWAG munang papasukin sa eskwela ang mga mag-aaral na nakitaan ng sintomas ng tigdas.
Ito ang payo ni Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, tagapagsalita ng Department of Health (DOH) at director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), ay kasunod na rin nang pagbabalik na sa klase ngayong araw ng mga mag-aaral mula sa Christmas vacation at pagdedeklara ng tigdas outbreak sa ilang lungsod sa Metro Manila.
Ayon kay Tayag, kung nakitaan na ng mga sintomas ng tigdas ang mga anak ay hindi na ito dapat pang papasukin sa paaralan ng mga magulang upang hindi na makahawa pa ng kanilang mga kaklase.
“Kung sila ay may sinat, may lagnat, kahit wala pang pantal, may sipon, ubo at namumula ang mata, malamang [baka] tigdas po ‘yan. Kung maaari huwag nang papasukin,” ani Tayag.
Paalala pa ni Tayag, hindi dapat na balewalain o maliitin ang nararamdaman ng bata kahit wala pang rashes ang mga ito.
Paliwanag niya, posibleng abutin pa ng dalawa hanggang tatlong araw bago lumabas ang rashes, ngunit kahit wala aniyang rashes ay maaari na rin silang makahawa.
Maaari aniyang maihawa ng isang batang may tigdas ang hanggang 18 taong gulang na makakasalamuha niya.
Dahil dito, mas makabubuti kung panatilihin na lamang sa tahanan ang isang batang hinihinalang may tigdas.
Dapat ring tiyakin na hindi made-dehydrate ang pasyente, sa pamamagitan nang pagpapainom rito ng oral rehydration solution.
Maaari ring magtimpla sa isang litro ng tubig ng anim na kutsaritang asukal at isa’t kalahating kutsaritang asin at painumin nito ang bata ng isang tasa kada isang oras.
Dapat ring bantayan ang bilis ng paghinga ng bata upang matukoy kung sobrang bilis ng paghinga nito, na maaaring mangahulugan na may pneumonia na ang pasyente.
Nagbabala rin si Tayag na kung mapapabayaan ay maaaring makamatay ang tigdas, lalo na kung ang dadapuan nito ay mahina ang resistensiya, malnourished at may deficiency.
Bukod sa mga bata, maaari ring mabiktima ng tigdas ang mga may edad na, na hindi pa tinamaan ng tigdas at hindi nabakunahan at maging ang mga buntis.
Hinimok rin ng health official ang mga magulang na pabakunahan agad ang mga sanggol na nasa 6-11 buwang gulang pa lamang, upang maiiwas ang mga ito sa tigdas.
Pinalawig pa aniya ang pagbabakuna ng hanggang limang taong gulang at libre lamang ito.
Kaugnay nito, inaasahan aniya ng DOH na tataas pa ang bilang ng mga mabibiktima ng tigdas sa bansa.
Tiniyak naman ni Tayag na ginagawa nila ang lahat upang masugpo ang naturang sakit.
Pinulong na kanina ni Health Secretary Enrique Ona ang mga city health officer sa Metro Manila at civil society at tinalakay ang kanya-kanyang sitwasyon para madisenyo ang tugon dito.
The post Mag-aaral na may sintomas ng tigdas, wag papasukin appeared first on Remate.