MAGPAPAKALAT ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 2,000 nilang tauhan sa Maynila sa mismong araw ng pagdiriwang ng kapistahan ng Itim na Nazareno sa Huwebes, Enero 9.
Nabatid kay MMDA Chairman Francis Tolentino, bukod sa pagsasaayos ng trapiko ng kanilang mga tauhan ay may rescue at medical team na naka-standby para magbibigay ng tulong medikal sa mga sumama sa prusisyon na maaaring makaranas ng masamang pakiramdam tulad ng pagkahilo.
Gayundin naman kasama na rin sa mga ipapakalat ang maglilinis ng mga maiiwang kalat sa mga lugar na dadaanan ng prusisyon.
Naniniwala naman si Tolentino na magiging maayos ang pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno dahil na rin sa puspusang paghahanda at pagtutulungan ng iba’t ibang ahensiya at lokal na pamahalaan ng Maynila.
Samantala, plantsado na rin ang ibibigay na seguridad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa kapistahan ng Itim na Nazareno makaraang magpakalat na rin sila ng kanilang mga tauhan na aabot sa 2,000 kapulisan.
Kasabay nito, nilinaw ni NCRPO Chief Director Carmelo Valmoria na wala silang natanggap na anumang banta sa naturang pagdiriwang ngunit sa kabila nito ay mananatili pa rin silang mapagmatyag.
The post 2,000 MMDA ikakalat sa Pista ng Nazareno appeared first on Remate.