NAKATAKDANG magdaos ng public hearing ang Commission on Elections (Comelec) sa kanilang punong tanggapan sa Intramuros, Maynila bukas, (Huwebes) upang talakayin ang apela ng ilang media groups hinggil sa ilang campaign rules para sa May 13 midterm elections.
Nabatid na ilan sa isyu na inaasahang tatalakayin sa naturang public hearing ay ang airtime limits, prior consent requirement at right of reply, na nakasaad sa Comelec Resolution No. 9615, at ipinuprotesta ng ilang media groups.
Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, bukas sila hinggil sa ilang pagbabago sa campaign rules.
Handa rin aniya silang makinig sa mga mungkahi, komento at reaksiyon ng media hinggil sa mga ipinatutupad nilang panuntunan.
Una nang nilinaw ng Comelec ang isyu hinggil sa prior consent requirement at sinabing ito’y prior notice lamang o nangangahulugang kailangan lamang ipaalam sa Comelec na may interview ang isang media entity sa isang kandidato upang ma-monitor ito ng poll body.
Alinsunod naman sa airtime limits ng Comelec, ang isang kandidato ay binibigyan lamang ng 120 minutes para makapangampanya sa TV at 180 minutes sa radio para sa mga national candidates at 60 minutes naman para sa TV at 90 minutes para sa radio para sa mga lokal na kandidato.
Aminado naman si Sarmiento na hindi sapat ang naturang airtime limits para sa mga kandidato.
Sa ilalim naman ng right to reply, kinakailangang bigyan ng pagkakataon ng isang media entity ang bawat kandidato na sagutin ang anumang batikos na ibabato dito.
Sinabi ni Sarmiento na inaasahan nilang makapaglalabas sila ng desisyon sa mga naturang apela ng media sa lalong madaling panahon matapos ang public hearing ngayong araw.
Matatandaang naghain ng magkahiwalay na letter-appeal ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) at ang GMA Network sa Comelec at hiniling na irekonsidera ang airtime limits, prior consent requirement at right of reply na ipinatutupad ng poll body.