DAPAT umanong maging matured at responsableng mga botante ang mga kabataan.
Ito ang payo ni Legazpi Bishop Joel Baylon sa mga kabataan kasunod nang nalalapit na pagdaraos ng May 13 midterm elections.
Ayon kay Baylon, chairman ng Episcopal Commission on Youth (ECY) ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), dapat gamitin ng mga kabataan ang kanilang konsensiya sa pagboto at hindi nakabase lamang sa popularidad at personalidad.
“Bumoto tayo ayon sa konsensiya. Sana sa atin po magsimula ang bagong kulturang tapat at malinis na paghahalal na hindi nakabase sa impluwensiya ng personalities kumo guwapo, kumo artista at mayaman,” pahayag ni Baylon, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
“Ihalal natin yung may sapat na kakayahan at tapat na puso na maglingkod sa bayan,” paliwanag pa niya.
Kaugnay nito, nananawagan rin naman si Baylon sa lahat ng botante na baguhin na ang masamang kultura ng botohan sa bansa tulad nang pagbebenta ng sariling boto.