HINIKAYAT ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang Commission on Elections (Comelec) na maging transparent upang maiwasan na ang anumang pagdududa at kawalan ng tiwala ng publiko hinggil sa Mayo 13 midterm automated elections sa bansa.
Sinabi ng CBCP na hanggang sa ngayon ay marami pang isyung hindi nasasagot ang Comelec hinggil sa mga akusasyon laban sa automated elections na labis aniya nilang ipinag-aalala.
Nangangamba ang CBCP na kung hindi matutugunan ng maayos ang mga naturang isyu, ang kasalukuyang automated election system ay maaari umanong magresulta sa malawakang pandaraya o wholesale cheating at nakasalalay anila ang eleksiyon.
Iginiit pa ng CBCP na hindi mahalaga ang ‘bilis’ sa eleksiyon dahil ang mas importante, anila, ay ang pagiging tapat at mapagkakatiwalaan ito.
Nilinaw naman ng CBCP na hindi sila tutol sa sistema ngunit dapat aniyang maging transparent ang Comelec at solusyunan ang mga concern ng iba’t ibang grupo, na ang nais lamang ay matiyak ang pagkakaroon ng isang patas, malinis at credible na halalan.
Nanindigan pa ang CBCP na hindi magkakaroon ng isang transparent ng eleksiyon kung ang Comelec mismo ay hindi transparent.
Sinabi naman ni CBCP president at Cebu Archbishop Jose Palma na wala silang intensiyon na i-criticize ang Comelec o i-discredit ang automated election system dahil ang nais lamang naman aniya nila ay ipaabot dito ang mga concern ng publiko hinggil sa halalan.
Una nang nakausap ng mga Obispo ang mga opisyal ng Comelec sa pangunguna ni Chairman Sixto Brillantes Jr., gayunman sinabi ni Palma na dahil sa limitadong oras ay marami pang isyu ang hindi nasagot hinggil sa ‘credibility’ at ‘reliability’ ng mga precinct count optical scan (PCOS) machines na gagamitin sa eleksiyon.
“As of now, we can only hope and pray… optimism is part of a Christian virtue but we also want our fears to be resolved immediately,” ani Palma.
Sa panig naman ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, sinabi nito na kailangang maglagay ang Comelec ng mga kinakailangang safeguards para matiyak na ang mga voting machines ay hindi magagamit sa pandaraya.
“That’s why the Comelec should answer all the questions on its (machines) integrity to erase the doubt in the minds of the people,” aniya pa.