REGALO sa mga fan ang pagsasabong ng dalawang pinakamainit na sentrong players at teams sa nagaganap na PLDT myDSL-PBA Philippine Cup eliminations.
Maggigirian ang tinaguriang “Kraken” na si JunMar Fajardo ng Petron Blaze Boosters at ang ipinagmamalaki ng Barangay Ginebra San Miguel na si Greg Slaughter na binansagang “Gregzilla” bukas, alas-otso ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang “Kraken” ay hango sa Greek mythology na isang dambuhalang halimaw sa dagat habang nakuha ang bansag kay Slaughter na “Gregzilla” sa Japanese character na Godzilla.
Unang paghaharap nina 2012 first round top pick Fajardo at 2013 No. 1 pick rookie Slaughter sa PBA at dahil sa kanilang laki at magandang statistics ay inaabangan talaga ng mga fan ang pagkikita nila sa basketball court.
Bukod kay 7-foot-0 Slaughter, sasandalan ng crowd favorite Ginebra ang kanilang four-game winning streak habang kailangan naman na mas maging mabalasik si 6-foot 10 Fajardo upang maibangon nito ang Petron mula sa pagkabigo sa kanilang huling laro laban sa Rain or Shine Elasto Painters, 95-99.
“Masaya kung mananalo kami, magandang regalo sa amin ito lalo na’t first time kong lalaro ng Pasko,” saad ni Fajardo.
Pihadong magiging mainitan ang labanan ng Petron at Ginebra at nina Fajardo at Slaughter dahil tangan ng Boosters at Gin Kings ang tig 7-1 win-loss slate habang sina “Kraken” at “Gregzilla” ay halos magkadikit ang kanilang stats.
May 15 points at league-best 17 rebounds per game si Fajardo habang 13 pts. at 12 boards naman ang average ni Slaughter.
Wala pa sa pro-league sina Fajardo at Slaughter nang magharap sila sa court noong 2011.
Nasa Ateneo Blue Eagles si Slaughter nang talunin nito si Fajardo na nasa University of Cebu, 100-53 sa semifinals ng Philippine Collegiate Champions League sa The Arena, San Juan.
Samantala, maghaharap sa unang sultada ang GlobalPort Batang Pier at Air21 Express.
Parehong nadapa sa kanilang huling laro ang Batang Pier na may 4-4 record at nasa ilalim ng Express, pasan ang 1-8 karta kaya paniguradong mahigpitan din ang kanilang labanan na mag-uumpisa sa 5:45 ng hapon.
Napaso ang Batang Pier sa San Mig Coffee Mixers, 80-83 habang bumagal ang Express sa Talk N’ Text Tropang Texters, 82-87.
The post “Kraken” vs “Gregzilla” sa PBA appeared first on Remate.