KASABAY nang pormal na pagsisimula ng monitoring sa fireworks-related injuries ng Department of Health (DOH) kanina ay inianunsiyo ni Health Secretary Enrique Ona na gagamit sila ng ibang taktika upang mahimok ang publiko na umiwas na sa paggamit ng paputok ngayong Holiday Season.
Ayon kay Ona, dati ay gumagamit sila ng scare advertisement para ma-discourage ang mga tao na gumamit ng paputok, kung saan ipinapakita ng DOH ang mga larawan ng mga nabiktima ng paputok, tulad ng mga nabulag, naputulan ng kamay at iba pang nakakikilabot na kinahinatnan ng mga taong nasabugan ng firecrackers.
Nagdulot naman ng 9% decrease sa firecracker injuries ang naturang scare ads mula taong 2011 at 2012.
Gayunman, ngayong taon ay mas tututok sila sa pakikiusap sa mga mamamayan na huwag nang magpaputok sa halip na takutin ang mga bata, na siyang karaniwang nabibiktima ng paputok.
Hinimok ding muli ni Ona ang mga mamamayan na ang kanilang budget sa pagbili ng paputok ay gamitin na lamang nila bilang donasyon sa mga charitable organization na tumutulong sa mga survivors ng super typhoon Yolanda.
Iginiit pa ng Kalihim na dapat matutunan ng publiko na mas marami pang paraan para ma-enjoy ang Holiday Season at salubungin ang Bagong Taon.
Nais din naman ni Ona na magdaos na lamang ang mga local government ng grand fireworks displays para panoorin ng mga residente at pagbawalan na ang mga pamilya na bumili ng sarili nilang mga paputok.
Mahigpit din ang babala ni Ona laban sa pagpapaputok ng baril sa pagsalubong ng Bagong Taon upang walang mabiktima ng ligaw na bala.
The post Iba’t ibang taktika gagamitin para iwas-paputok appeared first on Remate.