ITINALAGA ni Pope Benedict XVI si Antipolo Auxiliary Bishop Francisco De Leon bilang administrator ng Diocese ng Caloocan.
Ginawa ng Santo Papa ang pagtatalaga kay De Leon matapos maagang nagbitiw na si Caloocan Bishop Deogracias Iniguez.
Ikinatuwa naman ni De Leon ang pagkakatalaga sa kanya ng Santo Papa sa puwesto at sinabing nananalangin siya ng gabay at tulong sa Panginoon upang magampanan ang iniatang sa kanyang tungkulin.
Si De Leon, 65, ay nagsisilbing auxiliary bishop ng Antipolo simula pa noong 2007, katuwang ni Antipolo Bishop Gabriel Reyes.
Mananatili siyang administrator ng Caloocan Diocese hanggang hindi pa nakapagtatalaga ang Santo Papa ng bagong Obispo sa naturang see.
Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), karaniwang nagtatalaga ang Santo Papa ng interim diocesan administrator upang siyang mangasiwa sa mga gawain ng diocese sakaling mabakante ito.
Ang Caloocan Diocese ay nakakasakop sa may 1.2 milyong Katoliko at may 50 pari.