PINAWI ng Department of Health (DOH) ang pangamba ng publiko hinggil sa pagkalat ng sakit na meningococcemia matapos mamatay ang isang apat na tong gulang na batang lalaki dahil sa naturang sakit sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina City, kagabi.
Ayon kay Health Assistant Secretary Eric Tayag, ang naturang sakit ay hindi madaling naipapasa o kumakalat.
“Unang-una po ang meningococcemia ay hindi po madaling makahawa. Kailangan nating ipaliwanag ito baka mamaya e magkaroon ng panic.”
Sinabi pa ni Tayag na ang isang tao na nagkakaroon ng naturang sakit ay hindi na nakakalabas ng bahay dahil mahinang-mahina na ang katawan nito. At kapag namatay aniya ang pasyente na tinamaan ng naturang sakit ay namamatay din ang bacteria nito.
Sa may 100 porsyento naman na nagpopositbo sa sakit ay hindi naman umaabot sa 10 ang namamatay, ayon pa kay Tayag.
Binigyan na rin aniya ng antibiotic prophylaxis ang mga nagkaroon ng direct contact sa batang namatay sa Amang. Nilinaw din ng health official na ang nagkaroon lamang ng close contact sa pasyente ang dapat bigyan ng antibiotic.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Tayag ang publiko na kapag ang isang tao ay nakitaan ng sintomas ng meningococcemia tulad ng lagnat, mga pantal na parang pasa, nakararanas ng paninigas ng leeg, pagsusuka at kumbulsyon ay agad na komunsulta sa doktor.
Sa ngayon ay pinag-aaralan na ng DOH ang pagbibigay ng bakuna na pupuksa sa bacteria ng meningococcemia.